MENU

“Kalooban at Kabuluhan” tinuklas ng mga Pilipino sa Chongqing sa patnubay ni Prof. Anton Juan

photo of Chongqing PCG Kalooban at Kabuluhan

(Paikot mula kaliwa) Ipinahatid ni Consul General Flerida Ann Camille P. Mayo sa kanyang pambugad na pananalita ang layon ng palatuntunan. Sa patnubay ni Propesor Anton M. Juan, sama-samang sinuri ng mga kalahok ang kanilang kalooban at kabuluhan. Isa-isang ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang mga aspirasyon, balakid dito at nais na aksyon sa pagtupad ng kanilang mithiin. Nagsalo-salo ang mga kalahok sa isang meryenda tampok ang ilang pagkaing Pinoy.

Chongqing, ika-6 ng Agosto 2023 – Kaugnay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at sa pagsulong ng mga layunin ng diplomasiyang kultural nito, ang Konsuladong Panlahat ng Pilipinas sa Chongqing ay naghain ng isang palatuntunan na pinamagatang “Kalooban at Kabuluhan:  Pagtuklas ng Pagkatao at Layunin sa pamamagitan ng Dula” na siyang dinaluhan ng mga Pilipino sa Chongqing.

Sa kanyang pambungad na pananalita, nagpaalala si Konsul Heneral Flerida Ann Camille P. Mayo na ang palatuntunan sa araw na iyon ay pagpapatuloy ng kanilang pagbalik-tanaw sa kasaysayan ng kulturang Pilipino at ang kahalagahan ng alaala sa paghubog ng kanilang pagkatao. “Ngayong hapon, aakayin tayo muli ng ating panauhing propesor sa isang pook na minsan ay mistulang napakalayo bagama’t mas malapit pa sa ating sariling puso,” aniya. 

Tampok sa kaganapan si Propesor Anton M. Juan, isang batikang direktor, aktor, manunulat ng dula, at dalubguro sa University of Notre Dame du Lac sa Amerika.  Ginabayan ni Propesor Juan ang mga kalahok sa pagsusuri ng kanilang mga nais, ang mga balakid dito at ang nararapat na aksyon upang makamit ang kanilang mithiin.  Naobserbahan sa ehersisyo ang isang tanda ng kanilang kulturang Pilipino:  ang patuloy nilang pagpapakasakit gawa ng malalim na pagmamahal sa kanilang mga pamilya. 

Ikinalugod ng lahat ang aktibidad ng Konsulado.  “Ang husay ni Propesor Juan sa kanyang pagturo ng nakakatulong na pananaw na nakaangkla sa pag-asa.  Dito at sa pamilya kinukuha ng Pinoy ang kanyang tatag ng loob sa pagkamit ng mithiin,” ani ng isang kalahok.

Sa kanyang malawak na pagganap at pagturo ng mga sining, si Propesor Juan ay nakapagtanghal na ng iba’t ibang pelikula at dula, kasama ang “Passion and Death of Christ,” “Shadows of the Reef,” at iba pa. Siya rin ay umani na ng maraming parangal, maging sa labas ng bansa.  Kasama sa mga gawad na ito ang “Best Director” at “Best Film” sa Chandler International Film Festival at Toronto International Diversity Festival.