MENU

DFA Magsasagawa ng mga 'Online Event' Ngayong Buwan ng Wika, Kasaysayan

12 Agosto 2020 MAYNILA – Ang buwan ng Agosto, kung kailan ipinagdiriwang ang "Buwan ng Wikang Pambansa" at "Buwan ng Kasaysayan," ay nagpapaalala sa mga Pilipino na ang bansang Pilipinas ay mayroong mayamang wika at kulturang maipagmamalaki. Kaugnay nito, ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ay magsasagawa ng mga online event upang ipagbunyi ang dalawang importanteng okasyon na ito ng bansa kasama ang mga Pilipino buhat dito sa Pilipinas at sa buong mundo.

Kasama ang National Quincentennial Committee (NQC), ang DFA ay magpapalabas sa opisyal na Facebook page nito ng dalawang "online lecture," mula sa seryeng "Countdown to 500 Online Lectures Live,” kung saan mapapalalim ng mga manonood ang kanilang kaalaman ukol sa kasaysayan ng Plipinas.

Ang unang lecture sa buwan na ito na pinamagatang, "Our Ancestors and World Trade in Pre-Hispanic Times," ay ipinalabas kahapon; samantalang ang pangalawang lecture, “From Magellan to Quezon: Our Heritage of Compassion,” ay ipapalabas sa ika-19 ng Agosto 2020. Ang serye ng mga online live lectures ay ipapalabas sa ika-10 ng umaga at mapapanood sa opisyal na Facebook page ng NQC gayon din sa opisyal na Facebook page ng DFA (https://facebook.com/dfaphl). Ang mga online live lecture ay maaaring mapanood muli sa mga nasabing Facebook page matapos ng live na pagpapalabas nito.

Maliban sa mga ito, magkakaroon din ng online lecture at workshop tungkol sa mga sinaunang sulat ng Pilipinas ang DFA sa Facebook page nito sa ika-22 ng Agosto, mula ika-2 hanggang ika-4 ng hapon.

Ang lecture at workshop na pinamagatang, “Sulat Sinauna: Talakayan Tungkol sa mga Sinaunang Sulat ng Bansa,” ay magsisimula sa maikling lecture tungkol sa kasaysayan ng mga sinaunang sulat ng Pilipinas na pangungunahan ni G. Ian Christopher B. Alfonso ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP). Ito ay susundan ng mismong workshop tungkol sa sinaunang sulat na Baybayin na pangungunahan ni G. Leo Emmanuel Castro ng Hibla Sanghabi. Ang lecture at workshop ay magtatapos sa isang "open forum" kung saan ang mga kasali ay maaaring magkaroon ng malayang diskurso sa mga tampok na eksperto ukol sa mga sinaunang sulat ng Pilipinas.

Ang lecture at workshop ay bukas sa lahat ng gustong sumali maging sila ay nasa Pilipinas o nasa ibang bansa. Ito ay isasagawa ng DFA sa pakikipagtulungan ng Project Saysay, isang non-government youth organization na aktibong ipinapalaganap at isinusulong ang pagiging biswal ng kasaysayan ng Pilipinas simula noong taong 2013.

Bagama't libre para panoorin ng lahat ang lecture at workshop sa Facebook page, ang mga gustong aktibong sumali at makatanggap ng sertipiko pagkatapos ng lecture at workshop ay maaaring mag-rehistro nang libre sa https://forms.gle/wY2WYULeKvswg6g99 .

Ang mga online event na ito ay isinasagawa ng DFA Office of Strategic Communications and Research - Cultural Diplomacy Division upang ituloy ang pagdiriwang ng mga importanteng okasyon sa Pilipinas sa kabila ng mga pagsubok na dala ng pandemya.